Paglalaro sa Bula ng Kabataan

Ang unang beses ko napanood ang dokumentaryong Minsan Lang Sila Bata ay noong nasa mababang paaralan pa ako. Sa paglipas ng mga panahoon, hanggang sa aking pagtungtong sa mataas na paaralan, paulit-ulit naming pinapanood ito. Bagamat hindi na bago sa akin ang kuwento ng mga batang nagtatrabaho sa baboyan, sa tubohan, at sa may mga barko, madalas pa ring sumisikip ang aking damdamin sa kaawaan sa mga batang aking napapanood sa telebisyon. At ang patuloy na pagpapalabas ng dokumentaryong ito ay nangangahulugang marami pa ring mga kaso ng child labor na hindi nareresolbahan hanggang sa kasalukuyan.

Mayroon mang batas na nagsasaad ng karapatan ng mga bata, hindi lahat ng kabataan ay nakararanas ng mga bagay sa buhay na natural nilang dapat angkinin. Hindi maipagkakaila na hindi lahat ng bata ay nakakapag-aral. Marami pa ring mga batang nagtatrabaho o di kaya’y namamalimos sa lansangan. Ngunit dahil sa kadalasan nito sa buhay natin, paminsan-minsan ay nagiging manhid na rin tayo sa katotohanan. Mas gugustohin ng ibang huwag pansinin ang batang nanlilimos sa overpass sa Katipunan o ang batang pumapasok ng jeep upang linisin ang sapatos ng mga pasahero bago humingi ng bayad, sa halip na mabahala kung paano matutulungan ang batang ito.

Ako ay bahagi sa mga taong hindi mamimigay ng limos sa pag-asang hindi na bumalik ang mga palaboy na bata sa daan. Ngunit ang mga dokumentaryong tulad ng Minsan Lang Sila Bata ay nagpapaalala na mayroon tayong malaking responsibilidad para sa mga batang ito sapagkat hindi mababawasan ang ganitong problema sa pagpikit ng ating mga mata at sa paniniwalang wala tayong magagawa. Sapagkat meron. Isang paraan upang gawin ang aking responsibilidad sa aking kapwa ang mismong pagtulong pagbahagi ng nasaksihan.

Leave a Reply