Pagsapit ng Umaga
Isang alternatibong wakas ng El Filibusterismo ni Jose Rizal.
Napadapa si Simoun, napasubsob sa damuhan, ngunit tumayo siyang muli at, bitbit-bitbit ang kanyang maleta, nagpatuloy sa paglakad. Hindi niya inaassahan ang pangyayari. Nagkamali siya sa pagplano. Kulang pa. Hindi niya naisip na mayroong mangyayaring pagkakamali sa kanyang mga balak, na mayroong isang walang-pangalang taong sisira ng lahat. Itinaas niya ang kanyang kanang kamay na humahawak sa kanyang sugat sa pagtangkang pigilin ang dugong patuloy na bumubuhos at nakita ang kapulahan nito. Napakalupit naman ng Diyos na kahit paghihiganti ay ikinait sa kanya, matapos na kunin ang lahat. Walang ama, walang kaibigan, walang pinakamamahal na kasintahan.
Huminga siya ng malalim at sa pagod ay napaupong bigla, binagsak ang maleta sa lupa, at napahiga sa may ilalim ng puno. Gabi pa at bagamat pinaghahanap na siya ng mga opisyales, sigurado si Simoun na hindi siya agad-agad na matatagpuan sa lalim ng gabi. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Pagod na pagod na siya. Mukhang hindi lahat ng mga Pilipino at Kastila’y mga mangmang. Matagal man siyang nakapaglakad sa lupa gamit ang pagkatao ng isang mag-aalahas, inasahan niyang makaaalis siya ng walang nakapagsasabi sa totoo niyang identidad.
Mayroong narinig na pagbali ng sanga si Simoun at bigla siyang napatingin sa kanyang kanan, handang tumakbo kung saka-sakaling ito’y isang guwardya sibil. Isang binatang lalaki ang biglang naglapit ng lampara sa kanyang direksyon at nakilala siya ni Simoun. Gayundin ang lalaki at sa kanyang gulat, lumaki ang kanyang mga mata. “Ginoong…Simoun?” ang tanong ng binata, kasabay ang paglakad niya ng ilang hakbang patalikod.
“Huwag kang maingay,” ang wika ni Simoun, at dinala niya ng kanyang daliri sa kanyang labi upang senyasan ang binata. “Patayin mo ang lampara.”
Mayroong himig ng pag-uutos ang boses ni Simoun at bagamat mahina at may sugat ay naramdaman ni Isagani na dapat niyang sundin ito, kahit pansamantala lamang. Binuksan niya ang lampara at hinipan ito. Kadiliman ang bumalot sa dalawa at tanging buwan lamang ang nanatiling saksi sa kanilang pag-uusap. “Ano po ang ginagawa niyo rito?” nagtanong si Isagani. “Kayo’y…”
Nakita ni Isagani ang isang ngiting malungkot sa mukha ng lalaking puno ng pawis at galis. Itinanong niya ang kanyang sarili kung ano ang naging pakay ng ginoong minsa’y tinawag na Kardenal Moreno, Kamahalang Itim, at naging sanggunian ng Kapitan Heneral. Ano ang nagtulak sa kanya na ibuwis ang lahat – kayamanan, posisyon, pati kalayaan – upang magsimula ng isang rebolusyon na walang pinatunguhan. Ito ang usap-usapan sa lahat ng bayan: ang karumal-dumal na katotohanan na si Simoun ang nagtanim ng lahat ng mga pulbura at nagtangkang pasabugin ang pagtitipon-tipon sa kasal ng anak ni Don Timoteo Pelaez.
“Kung ikaw ay iimbitahing sumali,” biglang nagsalita ang lalaking nakasandal sa puno at bahagyang nagulat si Isagani. “Sasama ka ba sa mga tulisan? Sa rebolusyon?” ang patuloy na pagtanong ni Simoun.
“Bakit niyo po naitanong?”
“Hindi ba’t ito ang iyong sinabi? Pumutok na ang bulkan, ang serbesa’y naging singaw, ang mga ilog ay naging isang malawak na dagat, at nayanig ang mundo. Hindi ba’t ito ang hinihintay mo?”
Napaisip si Isagani. Hindi niya inaakalang maaalala ni Simoun ang kanyang mga sinabi sa bapor. Lumapit siya at sinabing, “Sinasabi ng lahat na kayo ang gumawa ng mga ito.”
“At tama sila,” ang kanyang sagot.
“Bakit niyo ito ginawa?”
Nag-alinlangan si Simoun. Dapat ba siyang magsalita? Matagal na niyang nainom ang lason ngunit tama pa bang iwan sa isang lalaking nararamdaman niya ay may pagmamahal sa bayan ang isang sikretong ipinagkait niya sa lahat? Tiningnan niya muli ang mukha ng binata at nakita ang pag-asa na matagal na niyang hinahanap. Isinandal niya ang kanyang ulo sa puno at nagsimulang isalaysay ang mga kamalasang nangyari sa kanyang buhay at ang kanyang mga balak.
“Ginoo, maaring sinabi ko po na darating ang pagkakataong hindi lamang tatanggapin ng bansang ito lahat ng pasakit na ipinapatong ng Espanya sa kanyang mga balikat ngunit mayroong tamang panahon na darating para dito. Sino ba ang tao para ihatol ang sariling pamantayan ng katarungan sa mundo? Kung darating ang tamang panahon, naniniwala ako na ito’y mangyayari,” ang tugon ni Isagani.
“Mali ba ang tumulong sa pagtulak sa mga tao, sa pagbigay sa mga Pilipino ng pagkakataong lumaban para sa kanilang kalayaan at sa kalayaan ng bansa?”
“Kung may isang bagay akong natutunan sa aking amain ay ang paniniwalang ang kasamaan ay hindi masosolusyonan ng kasamaan,” ang sabi ni Isagani na puno ng paninindigan.
“At saan ko makikita ang pag-asa kundi doon? Halos patay na ang makabayang mga damdamin sa kabataan. Sino ang magsasagawa ng paraan upang makamit ang kalayaan mula sa mga dayuhan kundi ang mga taong may lakas at kapangyarihan?”
“Maniwala man kayo o hindi, mayroon pa ring mga kabataan sa aking henerasyon na mamamatay para sa bayan, na magsisikap para sa bayan, na tutulong para iangat ang Pilipinas. Ngunit ang kabataan ay may ibang istilo sa inyo, Ginoong Simoun. Hindi po kami gumagamit ng dahas at pasakit. Ang aming paraan ay mapayapa, at kung darating man ang panahon na kailangang dumanas ng dugo, kung nasa oras ang pagkakataon, kami’y lalaban rin.”
Unti-unti nang nanghihina si Simoun. Maaaring tama si Isagani. Maaring hindi. Ngunit siya na mamamatay na – ano pa ang kanyang magagawa? Isasaalang-alang na lamang niya ang mga pangarap sa bagong henerasyong ito? Ito ba ang dahilan kung bakit hindi pinahintulutan ng Diyos na maging matagumpay ang mga plano?
“Sa ngayon ay hindi pa handa ang bayan,” nagpatuloy sa pagsasalita si Isagani. “Ang ginawa niyo po ay tulad ng pagbibigay ng mga baril at sandata sa mga bata na lalaban sa mga matatanda.”
“Maaring tama ka, maaring hindi. Hindi ko na masasaksihan itong mundong sinasabi mo: ang kalayaan na makakamit ng bansang ito sa tamang oras na hindi dinadaan sa kalupitan. Ngunit naniniwala ako na balang araw ay darating rin ito.” Inangat ni Simoun ang kanyang sarili at kinuha ang maleta. Itinulak niya ito kay Isagani. “Kunin mo ang maletang iyan. Gamitin mo kung paano mo naisin.” Napakislot siya sa sakit na dinulot ng kanyang paggalaw at naging mabigat ang kanyang paghinga.
“Ano po ang ibig niyong sabihin?” Binuksan ni Isagani ang maleta at nagulat sa laman nito: ito’y mga alahas na ibinibenta ni Simoun.
“Sana’y makita mo ang kinabukasan. Sana’y sumikat ang araw ng kalayaan sa Inang Bayan…Kunin mo iyan at umalis ka.”
“Ngunit, ito—”
“Patunayan mo. Patunayan mo sa akin na tama ang iyong sinabi. Na makakamit ang aking mga hangarin sa ibang paraan; na darating ang tamang panahon para sa pagkalaya ng bansa.”
Sa unang pagkamatay ni Simoun, hindi nakita ang kanyang katawan. Sa pangalawang pagkamatay niya, ibinalik siya ni Isagani sa lupa kasama ng kanyang mga alahas.
Wakas.